Nataandaan mo pa ba kung nasaan ka nang pumutok ang Mount Pinatubo? Maaring wala ka pang kamuwang-muwang noon, o baka naman wala ka pa at hindi ka pa iniluluwal sa mundong ibabaw nang mga panahong iyon.
Dalawampu’t limang taon na pala ang lumipas mula nang sumabog ang bulkang ito. Ngunit ang naging sakunang dulot nito ay bakas pa, at malalim pa ring nakaukit sa alaala.
Hunyo 6 – 15, 1991, nang bumuga ng apoy, lava, at usok ang Mt. Pinatubo. Dito rin umulan ng abo at luha, at naging sanhi ng pagbaha ng lahar at paghihinagpis sa Pilipinas. Sangayon sa mga tagapagtala ng kasaysayan, ang pagputok ng Pinatubo ay ikalawa sa pinakamalakas na pagsabog ng anumang bulkan sa buong mundo noong 20th century.
Maraming napinsala. Mahigit sa 800 katao ang namatay sa pagputok ng bulkan, may mahigit sa 10,000 mamayan naman ang nawalan ng tirahan, at libu-libo pang mga Pilipino ang nasalanta at natabunan ng paghihirap. Bilyun-bilyung pisong halaga rin ng ari-arian ang nilamon ng epekto ng pagsabog ng Mt. Pinatubo.
Isa sa mga napinsala ng Mt. Pinatubo ay ang base-militar ng Amerika sa Pampanga. Sa katunayan, hindi panukalang batas ng pamahalaan o kongreso, hindi rin ang pagpo-protesta ng mga mamamayan, kundi ang pagsabog ng bulkan ang tunay na nagpalayas sa mga Amerikano mula sa Clark Air Base. Sa aking opinyon, ang Mt. Pinatubo ang siyang naging huling hataw kaya nag-alsa balutan ang mga Amerikano.
Ngunit kamakailan lamang, matapos ang mahabang panahon, at matapos humupa ang lahat ng usok hindi lamang ng bulkan, kundi pati nagbabagang sentimyento laban sa mga Amerikano, ay muling pinaplanong ibalik ang mga base-militar ng US sa Pilipinas ngayon.
Katatapos ko lang ng pag-aaral ng Medisina sa UST, at ako ay isang medical intern sa St. Luke’s Medical Center, nang pumutok ang Mt. Pinatubo. Community service ang aking rotation noon at ako’y nakadestino sa Canlubang, Laguna, sa isang maliit na provincial hospital doon. Kahit hanggang doon sa Canlubang ay umabot ang abo ng Pinatubo.
Umiikot lang sa sarili kong mundo ang buhay ko noon. Hindi ko pa tiyak kung saang landas ako ihahatid ng aking bukas. Hindi ko pa rin alam kung saang lupalop ako ibabalibag ng tadhana. Pangangailangan ko lamang at ang susunod kong kakainin ang akin lang iniintindi. Wala akong masyadong pakialam pa sa mga pangangailan ng ibang tao, kasama na dito ang mga naghihikahos nating mga kababayan.
Ngunit hindi katagalan matapos pumutok ang Pinatubo, isang kakilala ang nag-imbita sa akin na sumama sa isang medical mission sa Pampanga upang tumulong at magbigay lunas sa mga kababayan doon na naapektuhan ng rumaragasang lahar. Bilang isang bagitong duktor, nasabik akong sumama. Wala pa rin naman akong suweldo noon, tapos libre daw ang pakain sa mga volunteers, kaya’t ano pa ang hahanapin ko?
Ito ang una kong pagsama sa isang medical mission. At hindi rin ito naging huli. Nasundan ito nang maraming beses pa ng pagbubuluntaryo ko sa iba’t ibang medical mission noong panahong iyon. Dito ako namulat nang husto sa nakalulungkot na kalagayan ng ating lipunan. Kalagayan na hanggang sa ngayon ay maliit pa rin ang pinagbago.
Mula sa Pinatubo, napunla sa akin ang diwa ng paglilingkod.
Kaya matagal pa bago pa ako sumabak sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda (see previous post here), ay nauna muna akong sumabak sa mga nasalanta ng lahar mula sa Mt. Pinatubo.
May isa pang naging bunga ang pagsabog ng bulkan. Dahil sa aking pagsama lagi sa mga medical mission matapos pumutok ang Mt. Pinatubo, ay mayroon akong nakilalang magandang binibini na lagi ring nagbubuluntaryo. Dito sa mga medical mission, akin siyang nakasama at lubusang nakilala.
Sa pagsabog ng bulkang Pinatubo, ay may magandang tumubo, umusbong, at lumago.
Siya’y naging kasama ko hanggang ngayon.
******
(*photos from the web)
